Ang sa akin lang: pananaw tungkol kay Nancy Binay

Bukod sa anak sya ng kasalukuyan nating Bise Presidente, wala na kong masyadong alam pa kay Nancy Binay. Pero hindi ito tungkol sa kung gusto ko ba sya o hindi bilang isang Senador. Ayokong sabihing naaawa ako sa mga kritisismong tinatanggap nya — ang sa akin lang, parang hindi naman na ata tama yung mga ginagawang panghuhusga sa kanya.

Hihilingin ko sanang buksan mo ang isipan mo kung babasahin mo ‘to.

1. Maitim sya. Hindi ko maintindihan kung panong nasali ‘to sa usapan, sa totoo lang. Hindi ba’t nakakatawang isipin na tayong mga Pinoy na biktima ng racism ang sya ngayong nagiging racist sa sarili nating kababayan? E ano kung kayumanggi sya, hindi ba’t yan ang kulay natin?

2. Tourism lang ang course nya sa UP Diliman. Maraming mas karapatdapat kaysa sa kanya. Tsk tsk tsk. O sige na nga, Tourism na nga kung Tourism. Pero ibig bang sabihin nun e wala na talaga syang magagawa? Una, produkto sya ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi sa nagiging biased ako sa mga unibersidad, pero alam nating may bigat kapag sa UP ka nanggaling. Tungkol naman sa kurso nya, sa tingin ko ay nililimitahan natin mismo ang kayang intindihin ng isipan natin. Hindi lang naman puro lakwatsa mga tourism students/graduates. Sa tingin ko maiaapply nya ang natutunan nya sa kung pano nating magagawang mas kaayaaya ang pananatili o pagpunta ng mga tagaibang bansa dito. O teka, bago ka mamilosopong dapat nag-stewardess na lang sya, ganyan ba talaga tingin mo sa mga Tourism graduates? So dapat nag-DOT na lang sya? Bukod sa magaling ang kasalukuyang nasa pwesto dun, sa tingin ko ay kailangan natin ng may nakakaintindi sa aspetong Turismo sa Senado. Isa itong fresh na point of view ika nga. Nasubukan na nating puro abogado at ekonomista ang nasa pwesto, may nangyari ba? 🙂

Vocational course ang tinapos ko at 19 years old pa lang ako, pero nakapagtrabaho na ko sa isang di kalakihang at isang malaking mga kumpanya. Sa susunod na linggo ay magsisimula na ko sa pangatlong kompanyang tumanggap sa abilidad ko. Sa huli kong trabaho, alam kong mabibigat ang mga kasabayan kong nag-apply. Mga degree holders, siguro yung iba nag-MA pa. Mga may malawak na karanasan. Pero maswerte ako dahil nagtiwala sila sa akin. Noong panahon ng training namin, narinig kong sinabi ng iaa kong kasabayan na hindi nila sukat akalaing makakapasok ako. Bakit? Kasi asiwa akong mag-Ingles. At alam nila ang credentials ko. Masakit yon ha, marinig mo mismong wala silang bilib sayo. Pero sa huli, kinaya ko naman — sa tingin ko. At umalis ako sa kompanyang yun, hindi dahil pinaalis ako. 🙂

3. Makikipagdebate lang sya sa Senado. Oo, aminado ako, medyo badtrip ‘to. Pano nga naman natin malalaman kung okey sya? Hindi naman lahat ng bagay nadadaan sa debate. Mairelate ko lang, kahit ako hindi ako mahilig sa debate. Pero depende sa topic. Bakit? Kasi magsisimula pa lang, naiisip ko na agad kung anong depensa ang kaya kong gawin kung sakaling Pro ako, at kung anong bwelta kung Anti ako. Hindi sa pareho kami ng katwiran, pero naiintindihan ko sya kahit pano. Hindi lang naman yan sa kung pano mo ipagtatanggol yung posisyon mo — nasa kung pano mo patutunayan na nasa katwiran yung posisyon mo. Isa pa, may mga bagay na hindi basta-bastang pinag-uusapan. Ika nga, anomang sabihin mo ay maaaring gamitin para o laban sayo.

Ayun lang. So, sana suportahan na lang natin sya at ang iba pang bagong manunungkulan. Ang parte natin ay hindi nagtatapos sa eleksyon. Tuloy-tuloy ito hanggang sa pagsuporta o paggising sa mga nasa pwesto. Bawasan rin siguro natin ang pagkukumpara kung ang intensyon lang naman natin ay mangmaliit ng kapwa — magkakaiba naman kasi tayo ng kayang gawin.

At wag kang magreklamo dyan kung nasa legal na edad ka naman pero hindi ka bumoto o hindi ka nakapagparehistro. Yung simpleng yun nga hindi mo nagawa o magawa, tapos lakas mo makapagdakdak dyan? Manalamin muna bago magturo sa dungis ng iba.

Wala akong balak makipagtalo. Hindi naman kasi ako matalinong gaya mo at ninyo. Ang sa akin lang, ang pagbabago ay hindi magsisimula hanggat ang mismong pananaw natin ay hindi nag-iiba. 🙂

Tagged , ,